-- Advertisements --

Ligtas nang nakauwi sa bansa ngayong Sabado, Abril 18 ang mga 10 mula sa 21 Pilipinong tripulante na sakay ng oil tanker na MT Aqua 1, na tinamaan ng Iranian missile sa Persian Gulf malapit sa Qatar noong unang linggo ng Abril.

Kinumpirma ito ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac.

Ayon sa kalihim, kasalukuyan nang tinutulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang naturang Filipino seafarers.

Iniulat din ng kalihim na ligtas ang natitira pang Pilipinong tripulante na sakay ng oil tanker at nakatakdang dumating sa bansa.

Matatandaan, ang barkong MT Aqua 1 ay nasa layong 17 nautical miles hilaga ng Ras Laffan Industrial Hub sa Qatar nang ito ay tamaan ng cruise missile mula sa Iran noong April 1, 2026, na nagdulot ng sunog na agad namang naapula ng mga tripulante.

Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa lahat ng 21 na Pilipinong tripulanteng sakay ng naturang oil tanker.