-- Advertisements --

Magkakasa ng imbestigasyon ang gobyerno ng Pilipinas sa illegal recruiment ng 24 na Pilipinong napauwi na sa bansa nito lamang weekend.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, walang mga papeles ang 24 na Pilipino bilang manggagawa sa Russia, dahilan kayat humantong ito sa pagsasampa ng immigration cases laban sa kanila na nagresulta sa deportation.

Aniya, kailangang matugunan ito para madakip ang mga illegal recruiter o human traffickers. Kaugnay nito, makikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Justice at law enforcement agencies para siyasatin ang kanilang mga kaso.

Sinabi rin ng kalihim na karamihan sa mga Pilipino na nabiktima ng illegal recruiters ay nagtrabaho bilang cleaners at ilan ay mula sa ibang bansa bago napunta sa Russia.

Matatandaang, napalaya ang 24 na Pilipino matapos idulog mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Russian President Vladimir Putin ang kaso ng mga ito sa kanilang bilateral meeting sa sidelines ng ASEAN-Russia Summit sa Kazan noong Hunyo 17, na nagtapos sa siyam na buwang pagkakakulong ng nasabing mga Pilipino at ligtas na nakauwi sa bansa sa dalawang batch noong Sabado at Linggo.