Nais paimbestigahan at maparusahan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) si Comelec Commissioner Rowena Guanzon dahil sa anila’y “illegal” leaking ng kanyang boto hinggil sa kinakaharap na disqualification case ng presidential aspirant na si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay matapos na sinabi ni Guanzon sa isang panayam na bumoto siya ng pabor sa disqualification case labang kay Marcos, at isinumite nito ang kanyang ponencia noong Enero 17, 2022.
Pero ayon kay Atty. George Briones, ang General Counsel ng PFP, fake news daw ang pahayag ni Guanzon gayong wala pa namang nabubuong desisyon ang Comelec First Division.
Dahil sa anila’y sa pag-leak ni Guanzon ng kanyang “unpromulgated” dissenting opinion, marapat lamang daw na ma-disbar ito at hindi na bigyan ng kanyang retirement benefits at lifetime pension sapagkat sinira raw nito ang reputasyon ng institusyon.
Pinuna rin niya ang aniya’y “double hearsay” at “pure tsismis” ang pagsasabi ni Guanzon na sa kanyang palagay ay mayroong nangingialam sa trabaho ng Comelec First Division.
Ayon kay Briones, dapat kondenahin ng Supreme Court ang inasal ni Guanzon.
Pinaratangan pa nila si Guanzon na umano’y Dilawan dahil sa naging desisyon nito.
Nauna nang sinabi ni Guanzon na mayroong “moral turpitude” sa disqualification case laban kay Marcos base na rin sa mga ebidensya at batas.