Nagtitiwala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na makakamit ang isang maayos at payapang kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na nakatakda sa Setyembre 14.
Ibinahagi ng kalihim na nasa 98 porsyento na ang natatapos na paghahanda para sa makasaysayang halalan sa rehiyon, kung saan nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang paggarantiya sa kaligtasan ng mga botante.
Bilang bahagi ng mahigpit na seguridad, ipatutupad ang pagpapakalat ng humigit-kumulang 5,000 kasapi ng Philippine National Police (PNP) at karagdagang personnel sa iba’t ibang estratehikong bahagi ng BARMM. Binigyang-diin ni Remulla na direktang mananagot sa kaniya at kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga nakatalagang pwersa sakaling magkaroon ng anumang insidente ng karahasan o kapabayaan sa panahon ng halalan.
Kasabay nito, nanawagan din ang kalihim sa mga mamamayan ng Bangsamoro na maging maingat at suriing mabuti ang kanilang mga iluluklok sa puwesto. Ipinaalala ni Remulla na ang wastong pagpili ng mga lider ang magiging pundasyon at magtatakda sa hinaharap at kaunlaran ng buong rehiyon. (report by Bombo Genesis Racho)
















