Hiniling ngayon ng DILG sa Dasmariñas City government na magsagawa rin ng imbestigasyon at patawan ng parusa kung kinakailangan ang barangay kapitan na nasangkot sa zoom video scandal.
Ginawa ni DILG undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya ang panawagan matapos na makarating na rin sa kanila ang impormasyon sa nag-viral na video ng kapitan at treasurer ng Barangay Fatima Dos sa Dasmariñas, Cavite.
Una rito, nag-trending sa social media ang sex scandal nina kapitan at tresurera.
Batay sa kuwento, hindi raw kasi akalain ng barangay chairman na naka-on na pala ang zoom video at naka-focus sa kanya.
Sinasabing ang pag-uusapan sana sa zoom video ng iba pang mga barangay officials ay sa isyu sa pagharap sa problema sa COVID pandemic.
Pero bago ang zoom meeting, makikita sa kumalat na video na sumimple muna si kapitan at tresurera at kitang-kita sa iba pang mga naka-monitor sa zoom video ang ginagawa nilang pagtatalik.
Kinilala naman ni Usec Malaya ang barangay chairman na si Kapitan Estil.
Aniya, kahit pa raw nag-resign na ito ay kailangan pa ring managot kung meron mang pagkakasala.
Sinabi pa ni Usec. Malaya, inatasan na nila ang ipinadalang DILG investigation team na tapusin ng maaga ang imbestigasyon upang malaman ang rekomendasyon kung nararapat bang kasuhan ang barangay kapitan sa Office of the Ombudsman o kaya sa Sangguniang Panlungsod ng Dasmariñas.
“If all evidence point to the culpability of Kap Estil, he can be slapped with administrative cases and may even be removed from his position as barangay captain. Public office is a public trust. Hindi kayo binoto ng mga kababayan ninyo para maging source ng iskandalo kundi para maglingkod,” ani Usec. Malaya.