-- Advertisements --

Sinimulan na ni Interior Secretary Eduardo Año ang kanyang imbestigasyon sa umano’y involvement ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde sa illegal drug trade, partikular na sa kontrobersiya hinggil sa “ninja cops.”

Sinabi ni Año na nagsimula na ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagsilip sa kasong ito kahit pa hindi pa tapos ang Senado sa sariling imbestigasyon nito.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hahayaan muna niya ang Senado na matapos sa imbestigasyon nito sa naturang usapin at hihintayin din si Año na matapos sa saring interal probe bago pa man magdesisyon sa magiging kapalaran ni Albayalde.

Magugunita na sa pagdinig ng Senado, inakusahan ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at kasalukuyang Baguio City Mayor Benjamin Magalong si Albayalde, na dating Pampanga provincial police director, nang paghihimasok para pigilin ang dismissal ng 13 police officers na sangkot sa November 2013 drug bust sa Mexico, Pampanga.

Sa halip na 200 kilo ng shabu, 38 kilos lamang sa nakumpiska ng raiding team ang iprinisenta ayon sa imbestigasyon ng CIDG noon.

Subalit mariing pinabualaanan ni Albayalde ang mga alegasyon na ito ni Magalong.