Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na ilang mga residente ang naghain ng reklamo mula sa Dasmarins, Cavite laban sa kanilang barangay kapitan at barangay treasurer na nasangkot sa sex scandal.
Ayon kay Diño, bago pa man mag-resign ang opisyal na tinaguriang Kapitan Estil, nag-utos na raw siya ng imbestigasyon ukol sa iskandalo.
Una rito, nag-trending sa social media ang sex scandal nina kapitan at tresurera.
Batay sa kuwento, hindi raw kasi akalain ng barangay chairman ng Barangay Fatima Dos na naka-on na pala ang zoom video at naka-focus sa kanya.
Sinasabing ang pag-uusapan sana sa zoom video ng iba pang mga barangay officials ay sa isyu sa pagharap sa problema sa COVID pandemic.
Pero bago ang zoom meeting, makikita sa kumalat na video na sumimple muna si kapitan at tresurera at kitang-kita sa iba pang mga naka-monitor sa zoom video ang ginagawa nilang pribado sanang gawain.
Samantala, kinumpirma naman ng presidente ng association of barangay captains (ABC) na si Jorge Magno na nag-resign na nga si kapitan dahil sa iskandalo.
humingi na rin ng paumanhin si kapitan at si tresurera lalo na at kapwa rin sila may sariling mga pamilya.
Nilinaw naman ni Usec. Diño na bagamat nakaligtas na si kapitan sa kasong administratibo matapos mag-resign, hindi pa naman lusot sa gagawing inventory at pag-iimbestiga ng DILG sa liquidation sa pondo ng barangay kung meron mang mga paglabag.
Samantala, kinumpirma rin naman ni DILG undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na nadismaya rin siya nang makarating ang impormasyon.
Malinaw aniya na paglabag ito sa Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.
“If true, this is unbecoming of an elected government official. Tinitiyak po naming iimbestigahan ang insidenting ito at pananagutin ang barangay captain ng kung anong karampatang parusa ng batas sa inasal niya,” ani Usec. Malaya. “The DILG under the leadership of Secretary Eduardo M. Año does not condone nor tolerate such obscene behaviour of any local government official who is expected to conduct himself in a manner befitting his public office.”
Sinabi pa ni Usec. Malaya, inatasan na nila ang ipinadalang DILG investigation team na tapusin ng maaga ang imbestigasyon upang malaman ang rekomendasyon kung nararapat bang kasuhan ang mga ito sa Office of the Ombudsman at sa Sangguniang Panlungsod of Dasmariñas.
Nanawagan din ang DILG sa Dasmariñas City government na disiplinahin ang naturang kapitan.