Inamin ng Department of Information and Communications Technology na sila’y nahihirapang habulin ang mga nasa likod sa pagkalat ng fake news sa bansa.
Ito mismo ang binitawang pahayag ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Henry Rhoel R. Aguda hinggil sa kanilang paglaban kontra pagkalat ng maling impormasyon.
Ani kasi ni Secretary Aguda na nakakapagod umano ang paghabol ng fake news na siyang talamak at laganap ngayon sa iba’t ibang mga social media platforms.
Hinaing din niya ang mabilis na pagkalat habang kabaligtaran naman nito ang kabagalan na maipa-takedown ang mga maling impormasyon na siyang nakikita, napapanood at nababasa sa online.
Kaya’t kinuwestyon ng naturang kalihim ang mga telecommunications sa bansa kung bakit kapag sila ang apektado, mabilis at kayang kaya nito na maitake-down ban ang mga pasimuno ng scam.
Ngunit habang sa kanilang panig naman ay kinakailangan pa munang dumaan sa proseso at tumagal ng ilang oras bago maisagawa ang pag-ban sa nagpapakalat ng fake news.
Samantala, bilang karagdagang tugon naman ng kagawaran upang labanan ang pagkalat ng fake news at online scam sa bansa, plano umano nilang gawin ng permanente ang itinayong Threat monitoring Center.
Kung saan iko-convert na ng Department of Information and Communications Technology ito bilang isang unit sa ilalim ng kanilang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Maalala na una nila itong ginamit at inilunsad noong kasagsagan ng halalan katuwang ang Commission on Elections para sugpuin ang mga nagkalat na paninira at maling impormasyon na siyang nakakaapekto sa publiko.