-- Advertisements --

Kinalampag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Malacanang kaugnay sa patakaran na “no vaccination, no ride policy.”

Nagmimistulang double standard daw kasi ito sa sitwasyon ni Public Attorney’s Chief Percida Acosta, na hindi pa rin nagpapabakuna, ngunit pumapasok sa trabaho at lumalabas ng kanilang bahay.

Ayon kay Drilon, kung talagang seryoso ang patakaran ng gobyerno, dapat na unang ipinaiiral ang paghihigpit sa kanilang mga nasasakupan, bago ito ipatupad sa mga ordinaryong tao.

Para sa lider ng minorya sa Senado, tila sampal ito sa gobyerno dahil ang isa sa mga opisyal ay duda sa bisa ng bakuna.

Giit ng mambabatas, “test case” ito sa sensiridad ng gobyerno na maipairal ang mga panuntunan nang walang sinumang pinapaburan o pinalalagpas.