Tulad nang inaasahan, ganap nang naging bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa silangan ng ating bansa na pinangalanang Sarah.
Ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Sarah sa layong 710 kilometers sa Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang hangin sa lakas na 55 kilometro bawat oras at kumikilos din umano sa direksyon ng Bagyong Ramon sa Northern Luzon.
Samantala, ang Bagyong Ramon naman ay napanatili ang lakas ngunit mabagal pa rin ang pagkilos habang tinutumbok ang Babuyan Islands.
Batay sa ulat ng PAGASA, huling namataan ang mata ng naturang bagyo kaninang alas-4:00 ng hapon sa layong 120 kilometers sa silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang hangin sa bilis na 120 kilometers per hour malapit sa gitna, at bugsong 165 kilometers per hour.
Sa pagtaya ng PAGASA, ngayong gabi hanggang bukas ng umaga magla-landfall o direktang tatama ang Bagyong Ramon na inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility sa araw ng Huwebes.