Nilinaw ngayon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may mga paraan pa para sa mga pasyenteng na-deny ang claims sa health insurance.
Ito ang naging pahayag ni Philhealth vice president for corporate affairs Shirley Domingo, matapos magsumbong ang ilang pasyente sa Senado dahil nabigo silang makakuha ng benepisyo matapos ma-ospital.
Ayon kay Domingo, maaaring maghain ng motion for reconsideration sa regional offices ng ahensya ang sinumang may ganitong kaso.
Giit nito, tuloy-tuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa mga ospital para maisa-ayos ang nasabing mga problema.
Una rito, lumitaw sa pagdinig ng Senado na P8.3 billion na halaga ng denied hospital claims ang naitala simula noong Enero 2020, hanggang nitong mga nakaraang buwan.