Agad na rumesponde ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Region V upang tulungan ang mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Opong sa Masbate.
Pinangunahan mismo nina DHSUD Bicol Regional Director Engr. Maria Amoroso at Public Housing and Settlements Development Division Head Engr. Cristina Abano ang pagsasagawa ng field verification at aerial inspection sa Masbate City.
Katuwang nila ang Office of Civil Defense sa pagsasagawa ng naturang aktibidad na layong matukoy ang lawak ng pinsala ng bagyo at matukoy na rin ang mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Nakipagpulong din si RD Amoroso kay Governor Antonio Kho at sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang pag-usapan at planuhin ang mga agarang hakbang na dapat gawin para sa relief at recovery operations.
Bilang bahagi ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP), naglaan ang DHSUD ng 5,000 shelter-grade tarps at 700 shelter kits para sa mga pamilyang nawalan ng kanilang tahanan.
Ang mga tarpaulins at shelter kits na ito ay naglalayong magbigay ng pansamantalang proteksyon at masisilungan sa mga nangangailangan.
Kasabay ng mga materyales na ito, nakapaloob din sa programa ang financial assistance na nagkakahalagang ₱30,000 para sa mga pamilyang ang bahay ay totally damaged o lubusang nawasak, at ₱10,000 para sa mga pamilyang ang bahay ay partially damaged o bahagyang nasira.
Batay sa ulat na inilabas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Region V, tinatayang mahigit sa 18,000 bahay ang nasira sa Masbate dahil sa pananalasa ng bagyo.