Muling iginiit ng Department of Energy (DOE) na kanilang paiigtingin ang pagpapatupad sa LPG Industry Regulation Act o ang Republic Act No. 11592.
Nangako naman si Energy Secretary Raphael Lotilla na suportado ng Department of Energy (DOE) na mapatupad ang LPG Law.
Ginawa ng kalihim ang pangako sa pulong kasama ang mga miyembro ng liquefied petroleum gas (LPG) industry kabilang ang mga kinatawan ng LPG Marketers’ Association, LPG Industry Association, Petron Gasul, Solane of Isla Petroleum, Phoenix LPG, South Pacific Inc., Regasco, Pascal Resources, Brenton, Liquigaz, at Ferrotech Steel. Dumalo rin sina Energy Undersecretary Alessandro Sales at iba pang empleyado ng DOE noong Sabado, Setyembre 30.
Layon ng nasabing batas na iregulate ang LPG industry para maprotektahan ang mga consumer laban sa mga malpractices o sa mga negosyanteng nagbebenta ng pekeng gasul at magpatupad ng reporma sa kasalukuyang conduct and codes of practice para sa LPG industry.
Sinabi ni Sec. Lotilla na naaprubahan at lalagdaan na rin aniya sa linggong ito ang tatlong natitirang Implementing Rules and Regulations ng batas na license to operate para sa improvement programs, at mga rule at procedure para sa mga kasong administratibo.
Inirekomenda rin ni Lotilla ang pagbuo ng malawakang task force kasama ang mga ahensya ng Department of Trade and Industry, Philippine National Police at mga local government unit na tutulong sa DOE para sa pagbabantay sa LPG industry at maparusahan ang mga tiwaling negosyante.
Naging ganap na batas ang LPG Law noong October 2021.