-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Education sa publiko hinggil sa mga kumakalat na mga post online kaugnay sa pekeng scholarship grants para sa mga estudyante.

Ito ay matapos na makarating sa kabatiran ng mga kagawaran ang illegal na paggamit ng logo ng DepEd at sa larawan ni Vice President adn Education Secretary Sara Duterte para makapangloko ng kapwa.

Ang naturang mga pekeng posts ay nag-aalok ng pekeng scholarship grants sa mga mag-aaral ng elementary na nagkakahalaga sa Php5,000, habang nasa Php5,000 naman ang iniaaalok umano para sa mga high school students, at Php10,000 naman para sa mga college at vocational students kapalit ng mga ID cards ng mga estudyante.

Dahil dito ay patuloy ang ginagawang paalala ngayon ng DepEd sa mga magulang at guardians ng mga mag-aaral na huwag basta ipamimigay ang school information at identification ng kanilang mga anak upang maiwasang mabiktima at makompromiso ang kanilang mga seguridad.

Kaugnay nito ay hinimok naman ng kagawaran ang publiko na agad na ipagbigay-Alam sa kanilang mga tanggapan ang anumang uri ng misleading posts o misinformation na may kaugnayan sa kanilang ahensya.

Matatandaan na kamakailan lang ay una na ring naglabas ng misinformation alert ang DepEd kaugnay naman sa mga pekeng posts na nag-aalok ng pekeng “pabaon” cash allowances sa mga Grade 1 hanggang Grade 6 students na nagkakahalaga ng hanggang Php5,000.