-- Advertisements --
DepEd spox Michael Poa

Sa gitna ng kontroberisya sa pagbili ng mga overpriced laptops, iimbestigahan naman ngayon ng Department of Education (DepEd) ang pagbili ng ahensoya ng mamahaling cameras noong 2021.

Ayon kay DepEd Spokesman Michael Poa, inatasan na ang Public Affairs Service ng ahensiya para busisiin ang nasabing alegasyon sa pamamagitan ng pag-request para sa procurement documents noong 2019 para maberipika ang uri ng cameras na binili sa mga rehiyon.

Ginawa ng DepEd official ang naturang pahayag matapos ibahagi ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general Renato Reyes ang FB post ng photographer na si Jhun Dantes na nagbahagi ng larawan ng Canon DSLR camera na umano’y binili ng DepEd.

Nakalagay sa sticker ng naturang device ang price tag na P155,929.

Kaparehong models din ng camera ang ibinibenta sa halagang P23,000 online.

Ayon naman kay Poa, hindi gumagamit ang Public Affairs Service ng DepEd ng low-level cameras.

Ang binili aniyang camera at kasalukuyang ginagamit ay ang Mark IV na hindi pareho sa ibinibentang entry-level camera na nasa screenshot ng shopping app.