Mananatili sa detention sa The Hague si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos magpasya ang Trial Chamber III ng International Criminal Court na walang makabuluhang pagbabago sa mga sirkumstansya na magbibigay-katwiran para sa kanyang paglaya.
Inilabas ang desisyon ilang oras matapos ang unang personal na pagharap ni Duterte sa ICC sa ikatlong status conference ng kanyang kaso.
Ayon sa mga trial judges, tumataas ang posibilidad na humarap si Duterte sa paglilitis at, kung mahatulan, sa mahabang sentensiya. Dahil dito, sinabi ng Chamber na may posibilidad na tumakas siya o makialam at makapagbanta sa imbestigasyon at proceedings ng korte.
Binigyang-diin din ng ICC na matapos isumite ng prosecution ang listahan ng mga testigo at ebidensya, nailabas ang mga pagkakakilanlan ng mga testigo at inaasahang testimonya ng mga ito.
Ayon sa Chamber, maaari nitong dagdagan ang posibilidad ng panghihimasok sa mga testigo, direkta man o sa pamamagitan ng pamilya o supporters ni Duterte sa Pilipinas.
Samantala, kahit nakabinbin pa ang desisyon sa kanyang fitness to stand trial, sinabi ng mga hukom na walang bagong impormasyon sa mga ulat ng medical experts na sapat upang baguhin ang kasalukuyang detention ni Duterte. Mananatili siya sa ICC Detention Centre sa The Hague kung saan siya nakakulong mula nang maaresto.
















