NAGA CITY – Patay ang isa sa mga tauhan ng Human Resource Training Department ng Department of Education-Camarines Norte matapos pagbabarilin sa Barangay Sto Domingo, Vinzons, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Virgilio Alvin Quiñones.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj. Stephen Cabaltera, hepe ng Vinzons-PNP, sinabi nitong pasado alas-7:00 kagabi habang lulan ng kanyang sasakyan ang biktima mula sa Daet at patungo sana sa Labo nang bigla na lamang pinagbabaril ng hindi nakilalang salarin.

Kaugnay nito, tinamaan sa ulo at siko si Quiñones na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Ayon kay Cabaltera, robbery ang isa sa tinitingnan nilang dahilan sa krimen dahil wala aniya silang narekober na wallet o iba pang gamit nito sa sasakyan.

-- Advertisement --

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad para sa iba pang anggulo sa likod ng krimen habang may hawak na din aniya silang witness na pwedeng makatulong sa pagresolba ng naturang kaso.