-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) si Davao City Mayor Sebastian Duterte kaugnay ng umano’y pagtatapon ng malaking dami ng basura sa harap ng tanggapan ng ahensya sa Davao City.

Ayon sa DENR, binigyan ang alkalde ng limang araw upang magsumite ng paliwanag hinggil sa insidente.

Sinasabing inutusan umano ni Mayor Duterte ang mga garbage collector ng lungsod na itapon ang mga nakolektang basura sa harap ng opisina ng DENR-Davao.

Sa pahayag ng ahensya, nahuli umano ng kanilang mga tauhan ang ilang indibidwal habang nagtatapon ng basura sa lugar. Itinuro naman ng mga ito ang Facebook post ni Duterte noong Hunyo 4 kung saan sinabi umanong kabilang ang tanggapan ng DENR sa mga itinalagang waste collection points.

Matatandaang noong Mayo ay ipinasara ng DENR ang isang landfill sa Davao matapos gumuho ang tambak na basura na ikinasawi ng dalawang katao habang isa pa ang nananatiling nawawala.

Binigyang-diin ng DENR na ang mga itinapong basura ay hindi sumailalim sa tamang segregation, na itinuturing na paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000 o Republic Act 9003.

Ipinaliwanag din ng ahensya na ang mga collection points para sa solid waste ay kinakailangang nakapaloob at aprubado sa Solid Waste Management Plan ng lokal na pamahalaan at naaayon sa Implementing Rules and Regulations ng nasabing batas.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na tugon ang kampo ni Mayor Duterte hinggil sa ipinadalang show-cause order ng DENR.