-- Advertisements --

Dumepensa ang komedyanteng si Dennis Padilla kay Sen. Robin Padilla kaugnay ng mga negatibong komentong ibinabato laban sa senador, partikular ang pagtawag umano rito ng “b*b*.”

Sa isang panayam, sinabi ni Dennis na nasasaktan siya sa mga mapanirang pahayag laban sa kanyang kaibigan.

“Nasasaktan ako do’n sa sinasabing ‘bobo’ [si Sen. Robin]. I hate that word. Kumbaga, wala namang bobong tao,” ani Dennis.

Ayon pa sa aktor, hindi niya gusto ang paggamit ng salitang “bobo” dahil para sa kanya ay nakaiinsulto ito at walang taong nararapat tawaging ganoon.

Hinikayat din niya ang mga kritiko ng senador na maging maingat sa kanilang pananalita at panatilihing magalang ang diskurso sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang mga opinyon.

Madalas na nagiging sentro ng batikos si Sen. Padilla dahil sa ilan sa kanyang mga pahayag sa publiko.

Kamakailan, pinuna rin siya ni labor leader Ka Leody De Guzman sa social media kaugnay ng naging komento ng senador na umano’y “one-sided” ang prosecution panel sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa kabila ng mga batikos, una nang ipinaliwanag ni Padilla na ang pagiging “one-sided” ay hindi tumutukoy sa pagpabor sa alinmang panig kundi sa patas na pagtingin sa proseso ng impeachment trial.