Inihayag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na ilalantad na sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga “delicious” information kaugnay ng umano’y maanomalyang infrastructure projects sa Taguig City.
Sa isang post sa social media nitong Miyerkules, sinabi ni Lacson na nagsumite na siya ng mga ebidensya sa Office of the Ombudsman kaugnay ng mga kuwestiyonableng proyekto.
Ginawa ni Lacson ang pahayag bilang tugon sa sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano na “malicious” umano ang kanyang mga ibinunyag tungkol sa mga proyekto sa Taguig.
Ayon kay Lacson, “malicious pero delicious,” dahil aniya’y malalaman na ng publiko ang buong detalye ng mga isinumiteng case studies sa oras na magsimula ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
Sinabi rin ng senador na naiiba ang umano’y mga anomalya sa Taguig kumpara sa mga nauna nilang case studies sa Bulacan dahil gumamit umano ng kombinasyon ng “old and new tricks.”
Ayon pa kay Lacson, mula 2020 hanggang 2025 ay umabot na sa P14.4 billion ang halaga ng mga infrastructure projects sa Taguig, at posible pa itong madagdagan.
















