Kaya raw ipagtanggol ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang kanyang sarili sa harap ng mga hukom ng International Criminal Court (ICC) kung walang Filipino lawyer na kinikilala ng international tribunal ang kakatawan sa kanya.
Si dela rosa ang pangunahing nagpatupad ng madugong war on drugs noong administrasyon ni datng Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna nang inaresto si Duterte batay sa warrant for crimes against humanity ng ICC.
Ayon kay dela Rosa, handa raw siya at sa oras na simulan na ang paglilitis ay kaya niya raw depensahan ang kanyang sarili kung hindi raw kaya ng kanyang abogado.
Batay sa ICC website, lima na Pilipinong abogado lamang ang accredited ng tribunal. Ito ay sina:
Atty. Gilbert Andres
Atty. Joel Butuyan
Atty. Charles Janzen Chua
Atty. Nashmyleen Marohomsalic
Atty. Harry Roque
Umaasa si dela Rosa na mapakikinabangan ang mga serbisyo ng mga abogadong ito, ngunit kung walang kakatawan sa kanya, sinabi ng senador na kaya niyang ipagtanggol ang kanyang sarili nang may katapatan at katotohanan.
Samantala, itinanggi naman ni dela rosa na nagpunta si Duterte sa Hong Kong para humingi ng international protection kay pangulong Xi Jinping sa gitna ng napaulat na pagpapalabas ng warrant of arrest ICC laban sa kanya.
Giit ng senador, pumunta si Duterte sa Hong Kong para tumulong sa pangangampanya sa kandidato na kanyang ineendorso.
Una nang sinabi ni dela Rosa na hihingi siya ng proteksyon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na huwag muna siyang isuko sa mga otoridad sakaling iisilbi sa kanya ang warrant of arrest batay sa hiling ng ICC.
Nilinaw ng senador na hindi pa niya nakakausap sa ngayon si Escudero at sa oras daw na makausap niya ang senador ay hihilingin nito na huwag muna siyang isuko sa abot ng kanyang makakaya.