Nakahanda si dating Congressman Mike Defensor na harapin ang qualified human trafficking charges na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kaniya.
Ang kaso ay nag-ugat sa sinalakay na KTV bar at isang hotel na umano’y ginamit para sa human trafficking.
Subalit iginiit ng dating mambabatas na walang matibay na ebidensiya na siya ang nagmamay-ari ng gusali kung nasaan ang ni-raid na bar at hotel.
Binigyang-diin din ni Defensor na ang walang piyansang human trafficking na inaakusa sa kaniya ni NBI Director Melvin Matibag ay punterya lamang na mapakulong siya at mapatahimik bilang handler ng 18 dating bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Nitong Biyernes, nagtungo si Defensor sa Department of Justice (DOJ) para maghain ng rejoinder para sa reklamong cyberlibel na inihain laban sa kaniya ni dating Senador Antonio Trillanes IV.
Samantala, sinabi rin ni Defensor na makikiisa siya sa anti-corruption rally na idaraos ng iba’t ibang religious groups sa EDSA People Power Monument sa Linggo.
















