Pinag-iingat ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro ang publiko laban sa mapanganib at maruming hangin bunsod ng patuloy na wildfires sa Kalimantan, Indonesia.
Umabot ang makapal na haze sa Metro Manila at mga karatig-rehiyon, dahilan upang ideklara ng mga lungsod ng Maynila at Quezon City ang unhealthy hanggang very unhealthy na kalidad ng hangin.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang usok ay nagdudulot ng hirap sa paghinga, matinding pag-ubo, pananakit ng dibdib, at paghahapdi ng mga mata.
Dahil dito, higit na pinag-iingat ang mga bata, matatanda, at mga indibidwal na may karamdaman sa puso o baga tulad ng hika.
Paliwanag pa ng kalihim, bagaman taun-taong nangyayari ang wildfire sa Indonesia na karaniwang Malaysia at Singapore lang ang naaabot, umabot ito sa Pilipinas dahil sa tindi ng sunog at lakas ng hanging itinulak ng habagat.
Inaasahang tatagal pa ng ilang araw ang haze, kaya pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na limitahan muna ang mga aktibidad sa labas upang makaiwas sa sakit.
Hinimok din ni Teodoro ang mamamayan na laging magsuot ng facemask at manatiling updated sa mga detalye ng pangyayari at mga hakbang para manatiling ligtas.















