-- Advertisements --

Nadagdagan pa ng isa ang bilang ng namatay dalawang araw makalipas ang pagtama ng magnitude 7 na pagyanig sa Abra.

Bunsod nito, umakyat na sa anim ang bilang ng nasawi.

Sa latest report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang bagong nasawi ay mula sa Ilocos region habang ang limang iba na nauna ng napaulat ay mula sa Cordillera Administrative Region.

Sa kasalukuyan, mayroon pang apat na katao ang napaulat na nawawala sa Cordillera habang tumaas pa sa 136 ang bilang ng sugatan na pawang mga residente ng Ilocos region, Cagayan at Cordillera dahil sa lindol.

Nasa kabuuang 79,260 katao o 19,486 pamilya pa ang apektado ngayon kung saan mahigit 5000 indibidwal o katumbas ng 1,622 pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers habang nasa halos 2000 o 360 pamilya ang nasa labas ng evacuation centers.

Sa damage assessment, iniulat ng NDRRMC na nasa kabuuang 1,583 kabahayan ang napinsala mula sa Ilocos region at Cordillera.

Sa kabuuan nakapagtala ng P48.3 million halaga ng pinsala sa Ilocos, Cagayan at Cordillera.

Ayon sa NDRRMC, naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa 38 siyudad at munisipalidad sa na naapektuhan ng lindol habang isang lugar na lamang sa ngayon ang nakakaranas ng water supply interruption na kasalukuyang ng inaayos.