Patuloy daw na bumababa ang trend ng COVID-19 death cases sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
Nitong Lunes nang maitala ng ahensya ang pinakamababang numero ng mga namatay sa loob ng isang araw mula Marso, na nasa tatlo lang.
“Magmula sa average na 25.3 deaths kada araw noong simula ng Abril, bumaba na tayo sa 1.6 deaths kada araw sa katapusan ng Mayo,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Dagdag pa ng opisyal, indikasyon din ang patuloy na pagbaba ng mga namamatay sa COVID-19 na kontrolado na ng health care system ng bansa ang pandemic.
Sinasalamin daw kasi ng pag-decline sa bilang ng mga namamatay ang kakayahan ng mga ospital at pasilidad na hawakan ang mga kaso ng sakit, at mapigilan ang pagkalat nito o mauwi sa pagkamatay ng pasyente.
Kaya naman patuloy rin umano ang pagtitiyak ng DOH na may sapat na pasilidad at gamit ang mga ospital.
“Kung patuloy na pong bumababa yung bilang ng mga kaso at yung mga namamatay, dito po
natin matutukoy ang trend ng epidemic sa ating bansa.”
“At kung alam natin ang nagiging pattern
ng epidemic, mas makakapagdesisyon tayo ng tama base sa datos at ebidensya na mayroon
tayo.”
Muling ipinaalala ng opisyal ang kahalagahan ng pagsunod ng publiko sa minimum health standards gaya ng pagsusuot ng personal protective equipments, tamang pag-ubo at pagiging malinis sa katawan para manatiling ligtas sa sakit.
“Paalala: Ito’y ginagawa natin hindi para lamang sa ating sarili. Para rin po ito sa kaligtasan ng
ating mga anak, magulang at mga mahal sa buhay,” ani Vergeire.