Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo na nagkakahalaga ng P1.347 billion para sa pagpapalawig pa ng electronic gates (E-gates) project sa mga pangunahing paliparan sa bansa.
Ayon sa ahensiya, gagamitin ang pondo sa pagpapahusay pa ng seguridad at immigration processes sa may Ninoy Aquino International Airport Terminals I and III, Clark International Airport, Mactan Cebu International Airport, Davao International Airport, Kalibo International Airport, Boracay-Caticlan International Airport, Zamboanga International Seaport, Laoag International Airport, Bohol-Panglao International Airport, at Puerto Princesa International Airport.
Inihayag ni Budget Sec. Amenah Pangandaman na ang paglalabas ng naturang alokasyon para sa E-gates project ay para maisakatuparan ang atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagbibigay ng kaginhawaan sa mga biyahero, mapa-lokal man o dayuhan, at mabawasan na rin ang mahabang pila sa immigration counters.
Ayon sa DBM, inaasahang papalitan ng E-gates ang 50% ng lahat ng manned inspection counters na may modernized technology.
Target naman ang full deployment ng operational E-gates sa mismo o bago mag-Disyembre 15.