Patay ang isang sub-leader nang tinaguriang Dawlah Islamiyah o local terrorist group at lima pang iba sa isinagawang operasyon ng 5th Special Forces Battalion
at 4th Special Action Battalion sa ilalim ng 6th Infantry Division sa South Cotabato.
Ayon kay JTF Central at 6th Infantry Division commander, M/Gen. Juvymax Uy naganap ang sagupaan kaninang umaga sa may Purok 6, Barangay Koronadal Proper, Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ni Gen. Uy ang napatay na terorista na si Arafat Bulacon alias Maula, sub-leader ng Dawlah Islamiyah (Ansar Khilafa Philippines-Maguid remnants) habang patuloy pang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng limang iba pa.
Sinabi ni Uy, isisilbi sana ng mga tropa ang dalawang arrest warrant sa kasong murder laban kay Bulacon pero nanlaban umano ang mga ito sa mga pwersa ng gobyerno.
Dahil dito, hindi nag-atubili ang mga sundalo na magpaputok dahilan para mabaril at mapatay ang mga armadong terorista.
Narekober ng militar sa crime scene ang isang 5.56 M4 rifle, dalawang 12-gauge shotgun (break open), dalawang cal. 38 revolver, isang 5.56 pistol (break-open), isang IED, at isang ISIS flag.
Si Maula ay positibong tinukoy na isa sa mga salarin sa General Santos City bombing noong taong 2018. Sangkot din daw ito sa mga serye ng mga criminal activities sa South Cotabato.
“Ang mga terorista ay walang puwang sa mga lugar dito sa South Central Mindanao, kaya’t mas mainam na kayo ay sumuko at mag balik loob na sa gobyerno,” wika pa ni Maj Gen. Uy.
Pinuri naman ni Uy ang mga tropa sa matagumpay nitong operasyon.
Pinapakita lamang ng mga sundalo ang kanilang dedikasyon sa trabaho para mapanatili ang peace and order sa nasabing rehiyon.
“This successful operation can be notably credits to the strong cooperation of communities who are tired in this cycle of violence,” dagdag pa ni Maj. Gen. Uy.