DAVAO CITY – Tuluyan nang pumanaw si Davao del Sur Governor Douglas Cagas bandang alas-5:30 kaninang madaling araw lamang sa edad na 77.
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao, kinumpirma ng Davao del Sur provincial information officer na si Sherwin Cesar na namatay si Cagas ilang araw matapos maospital nitong Hunyo 3 nang mahirapang huminga.
Naka-confine rin umano ngayon sa ospital pero nasa mabuti nang kalagayan ang asawa nito na si Congresswoman Mercides “Didi” Cagas at anak nila na si Vice Governor Mark Cagas na kapwa positibo sa Coronavirus Disease (COVID).
Isinailalim naman sa quarantine ang ilang opisyal ng probinsiya at iba pang kawani nito na naging close contact ng pumanaw na gobernador.
Gayunman, nilinaw ni Kagawad Joseph Jay Enginco na pawang negatibo ang COVID test result nilang lahat.
Nabatid na May 16, 2021 ay nakatanggap pa ng unang dose ng COVID vaccine si Governor Cagas, pero matapos ang ilang araw ay nakaramdam na raw ito ng panghihina hanggang sa isinugod sa pagamutan.