-- Advertisements --

Pinuri ni dating Senador Richard Gordon ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang petisyon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa para sa Temporary Restraining Order laban sa pagpapatupad ng arrest warrant mula International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Gordon, ito ay isang makasaysayang hakbang na nagpapatibay sa prinsipyo na walang opisyal o makapangyarihang tao ang nakahihigit sa batas.

Bilang pangunahing sponsor ng Republic Act No. 9851, binigyang-diin niya na ang desisyon ay nagbibigay saysay sa batas na nagtatakda ng pananagutan sa mga krimen laban sa sangkatauhan.

Aniya, ang sinumang hahadlang sa pagpapatupad ng ICC warrant ay dapat managot sa obstruction of justice.

Dagdag pa ni Gordon, sa pagtanggi ng Korte Suprema sa TRO, si Dela Rosa ay epektibong itinuturing na international fugitive at dapat nang arestuhin.

Binanggit din niya na ang ruling ay nagbibigay ng pag-asa sa mga pamilya ng mga biktima ng madugong kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte.

Para kay Gordon, ang desisyon ng Korte Suprema ay tagumpay para sa rule of law at simbolo na nananatiling posible ang hustisya kahit naantala.