Posibleng tumestigo si dating Senador Richard Gordon sa paglilitis sa Sandiganbayan First Division kaugnay ng kontrobersiyal na paglipat ng P41.46 billion sa COVID-19 response funds mula sa Department of Health tungo sa Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM).
Maaalalang si Gordon ang tumayong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee noong simulan ang imbestigasyon taong 2021 sa umano’y kahina-hinalang transaksiyon.
Ayon sa Prosecutors, maaaring iharap ang dating senador sa sunod na pagdinig ng korte sa Agosto 3.
Kasalukuyan ngang nililitis ng First Division ang kasong graft laban kina dating Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at dating Department of Budget and Management Usec. Christopher Lloyd Lao kaugnay ng umano’y anomaliya sa pondo.
Inusisa rin ang Pharmally Pharmaceutical Corp. matapos na makuha ang bilyun-bilyong halaga ng kontrata sa gobyerno para sa pagbili ng medical supplies noong pandemiya.
Ang mga transaksiyong ito ang naging sentro ng imbestigasyon ng Senado gayundin ang umano’y iregularidad sa procurement process.
Nagsimulang gumulong ang trial sa korte noong Hunyo, mahigit isang taon mula nang maisampa ang kaso kina Duque at Lao noong Setyembre 2024.
Hindi naman sumisipot pa ang dalawa sa trial mula nang ito ay simulan. Bagamat kapwa nakapaglagak ng piyansa na P90,000 bawat isa para sa kasong graft noong 2024.














