Binigyang-diin ni dating Senador Richard J. Gordon na ang proseso ng impeachment ay isang mahalagang yugto para sa bansa, kasabay ng kanyang babala hinggil sa patuloy na pagkukulang ng Pilipinas sa pagpapatupad ng batas.
“Ang problema natin palagi ay ang ating failure. Ang gross failure to enforce the law,” ani Gordon, na iginiit na nananatiling mailap ang hustisya kapag hindi pantay ang aplikasyon ng batas.
Ayon sa kanya, higit pa sa isang kaso ang nakataya, dahil ito ay sumasalamin sa national character.
“This is really a test for the country—kaya ba natin talagang i-enforce ang law, parusahan ang dapat parusahan?” babala niya, na kung hindi kikilos nang may katapangan, lalo lamang masisira ang tiwala ng publiko.
Dagdag pa ni Gordon, ang kawalan ng aksyon ay may pangmatagalang epekto.
“Kung hindi natin i-enforce, wala na tayong mukhang maipapakita sa sarili nating mga anak, dahil hindi natin magampanan yung tungkulin natin na magkaroon ng katarungan,” aniya.
Pinunto rin ng dating senador na ang pagbibigay-daan sa partisanship kaysa sa hustisya ay magpapakita ng pagbagsak ng integridad ng mga institusyon.
“Pag tatalikuran nila ‘yan, wala na tayong pag-asa sapagkat that has always been the bane of our problem, hindi ma-implement ang batas,” dagdag niya, na muling iginiit na dapat manaig ang batas anuman ang ranggo o kapangyarihan ng sangkot.
















