-- Advertisements --

Inatasan ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at CEO Richard Gordon ang agarang pag-deploy ng mga satellite phone, communication units, generator, hot meals, at food packs sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa General Santos at Sarangani.

Layon ng hakbang na maabot ang mga lugar na pansamantalang na-isolate dahil sa mga nasirang tulay at kalsada.

Kabilang sa mga apektadong ruta ang Aquino Bridge sa Glan at Sapumalsa Bridge sa Malapatan, na parehong napinsala matapos ang lindol, dahilan upang mahirapan ang pagpasok ng tulong sa ilang barangay sa Sarangani Province.

Ayon kay Gordon, nakatanggap ang PRC ng ulat mula sa mga RC 143 volunteers na may mga komunidad na hindi madaanan, kaya’t tiniyak niyang “tulong ay paparating.”

Magdadala ang PRC ng food packs, water filtration systems, satellite communications, at iba pang mahahalagang kagamitan upang matulungan ang mga residente.

Gagamitin umano nila ang lahat ng available resources, kabilang ang logistics trucks at emergency response assets, para maabot ang mga nangangailangan.

Patuloy ang koordinasyon ng PRC sa mga lokal na pamahalaan at partner agencies upang maibalik ang critical lifelines gaya ng tubig, kuryente, at komunikasyon. (Report by Bombo Genesis)