-- Advertisements --

Magkasalungat ang posisyon at pananaw ng ilang legal luminaries sa bansa, kabilang na ang mga dating mahistrado ng Korte Suprema at framers ng 1987 Constitution, hinggil sa itinutulak na pag-amiyenda sa economic provisions ng tatlong dekada nang Charter.

Sa unang pagdinig ng Senate committee on constitutional amendements and revisions of laws sa Resolution of Both Houses No. 1, na naglalayong amiyendahan ang ilang “restrictive” fiscal provisions ng 1987 Constitution, sinabi ni dating SC associate justice Vicente Mendoza na kailangan masolusyunan muna ng mga mambabatas ang aniya’y dalawang hamon sa lipunan sa ngayon bago pa man galawin ang Saligang Batas.

Ayon kay Mendoza, ang dalawang hamon na ito ay ang banta ng pandemya at ang paghahanda sa publiko hinggil sa wasto at maalam na pagboto sa halalan sa 2022.

Pagkatapos nito ay saka na lamang aniya maaring atupagin ang economic recovery sa pamamagitan ng mga itinutulak na amiyenda sa Saligang Batas.

Pero iba naman ang posisyon ni dating SC justice Adolfo Azcuna, na isa ring member ng Constitutional Commission na bumalangkas sa 1987 Constitution.

Ayon kay Azcuna, panahon nang amiyendahan ang restrictive economic provisions ng Konstitusyon dahil sa negatibong epekto ng pandemya sa ekonomiya ng bansa.

Sa pamamagitan nang pagluwag sa ekonomiya ng bansa, sinabi ni Azcuna na lalago ang Pilipinas kagaya ng sa mga kalapit na bansa.