-- Advertisements --

Hinamon ni Vice President Sara Duterte ang Palasyo Malacañang na isapubliko ang lahat ng travel authority na inilalabas nito para sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno, pati na ang ginagastos ng pamahalaan sa kanilang biyahe.

Ito ay matapos ibunyag ng Palasyo ang kanyang planong pagpunta sa Japan.

Ngunit una nang nilinaw ng Malacañang na walang gastos ang gobyerno sa naturang biyahe ng Bise Presidente.

Gayunpaman, kinansela umano ng tanggapan ni VP Sara ang travel authority nito noong Agosto 18 matapos magbago ang kanyang plano.

Dahil dito, hinamon ng Bise Presidente ang Malacañang na ipakita rin sa publiko ang mga travel authority ng lahat ng government offices.

Ayon kay Duterte, hindi dapat sa isang tanggapan lamang hinihingi ang transparency at accountability.

Hiniling din niya na ilabas ang kaukulang travel expenses at paggamit ng public funds para sa mga biyahe ng mga opisyal.

Kinuwestyon din ng Bise Presidente ang ilang ulat tungkol sa kanyang planong pagpunta sa Japan na aniya ay hindi na napapanahon matapos magbago ang kanyang mga plano.

Hiniling niya sa mga media organization na tiyaking tama ang impormasyon bago ito ilabas.

Nagbabala rin si VP Sara na ang patuloy na pagsisiwalat ng kanyang schedule ay maaaring makaapekto sa kanyang seguridad at kaligtasan.

Samantala, ipinagtanggol ng Palasyo ang pagsisiwalat sa travel authority ng Bise Presidente.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, isang public official si Duterte at gumagamit ang gobyerno ng pondo para sa kanyang security at staff na umaabot umano ng P7 million.

Kaya’t may karapatan ang publiko na malaman kung paano ginagamit ang pera ng bayan.

Giit pa ni Castro na transparent ang administrasyong Marcos sa mga biyahe ng Pangulo.

Maaari umanong humingi ang media ng kopya ng mga travel authority ng mga opisyal, habang ang mga usapin sa gastusin ay idinodokumento ng Commission on Audit (COA).