-- Advertisements --

Umabot sa 201.7 millimeters na buhos ng ulan ang naitala sa Metro Manila sa loob lamang ng limang oras nitong Lunes, Agosto 17, dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), batay ito sa datos ng PAGASA Science Garden Station sa Quezon City mula alas-9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.

Sa loob lamang ng dalawang oras, mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-2 ng hapon, umabot agad sa 138 millimeters ang dami ng ulan.

Dahil dito, mabilis na tumaas ang tubig at nagkaroon ng mga pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Agad namang nagpakalat ang MMDA ng mga flood control personnel upang linisin ang mga baradong drainage at mapabilis ang pag-urong ng baha.