CAUAYAN CITY – Namatay ang isang retiradong opisyal ng pulisya matapos pagbabarilin ng motorcycle riding criminal sa isang sabungan sa Brgy. Tuguegarao, Echague, Isabela.

Ang biktima ay kinilalang si retired P/Maj. Danny Alingog, residente ng Fugaru, bayan ng Angadanan.

Sa pagsisiyasat ng Echague Police Station, ang biktima ay papalabas na raw ng WML cockpit arena at pasakay na sa kanyang sasakyan nang paputukan ng hindi pa matukoy ng mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.

Ang biktima ay pinaputukan ng sunod-sunod at agad na natumba malapit sa kanyang sasakyan.

Pagkatapos ng pangyayari ay agad tumakas ang mga suspek patungong Barangay Santo Domingo.

Nagsasagawa na hot pursuit operation ang mga pulis laban sa mga suspek.

Si Alingog ay kamakailan lamang nagretiro sa serbisyo at matagal na naging hepe ng Angadanan Police Station.