-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni dating chief of police ng Mandaluyong PNP na si Colonel Cesar Gerente na ito ay gumagamit ng iligal na droga.

Sinabi nito na nagulat siya ng magpositibo ito sa isinagawang drug test noong Agosto 24.

Dagdag pa niya na tinanggihan siya ng humirit siya na magpa-retest.

Para ma-double check ay sumailalim ito ng panibagong drug test noong Agosto 29 sa Philippine Drug Enforcement Agency at ang Department of Health accredited testing center.

Habang nitong Setyembre 6 ay muling nagpa-drug test sa National Bureau of Investigation kung saan lahat aniya ng mga ito ay nagnegatibo ang resulta.

Naniniwala ito na kaya lumabas na ito ay positibo sa iligal na droga ay dahil sa mga iniinom niyang maintenance medicine para sa blood sugar.

Nanindigan ito na malinis ang kaniyang pangalan at umaasa siya na mapatunayan sa mga nakakataas na opisyal ng PNP na siya ay inosente.

Maguguntiang kabilang si Gerente sa 24 na kapulisan na nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga matapos ang ginawa nilang surprise drug test.