-- Advertisements --
Ronnie Dayan

Pinabulaanan ng dating driver ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan ang alegasyong tumanggap siya ng drug money para ibigay sa dating justice secretary.

Ayon kay Haidee Soriano, abogado ni Dayan, binigyang diin lamang ng kaniyang kliyente na wala talagang nangyaring pagtanggap ng pera mula sa anumang drug transaction.

Sinabi pa nito na ang 2016 testimony ni Dayan sa Kongreso ay bunga lamang ng pamimilit.

Dahil dito, hindi na rin magagamit bilang testigo ng prosekusyon ang dating driver at bodyguard ni De Lima.

Kanina muling sumalang sa pagdinig ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) sina De Lima at Dayan.

Bandang alas-9:00 ng umaga nang dumating nang magkahiwalay ang dalawa na bantay sarado ng mga otoridad.

Ang pagharap ng dating driver ay kasunod ng pagbawi ng testimonya nina self-confessed druglord Kerwin Espinosa at dating NBI Deputy Director Rafael Ragos.