-- Advertisements --

Bumaba na ng 11% sa nakalipas na pitong araw ang average number ng COVID-19 cases sa buong bansa, ayon sa OCTA Research group.

Subalit sinabi ni Dr. Guido David ng naturang grupo, hindi pa maituturing bilang epekto ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang pagbaba na ito ng naitalang mga datos sa nakalipas na mga araw.

Nilinaw din niya na ang biglang pagtaas ng mga bagong kaso kahapon, Mayo 1, ay hindi nangangahulugan na mayroon ulit na panibagong surge.

Base sa datos ng Department of Health (DOH), noong Abril 25 pumalo sa 8,162 ang bagong kaso ng COVID-19; 8,929 na bagong infections noong Abril 26; 7,204 new cases noong Abril 27; at 6,895 naman noong Abril 28.

Samantala, noong Abril 29, naitala ang 8,275 new cases; 8,748 na bagong infections noong Abril 30; at 9,226 naman noong Mayo 1.

Sinabi naman ni David na mayroong na ring downward trend sa mga bagong COVID-19 infections sa Metro Manila, na kasalukuyan ay mayroong 0.83 reproduction rate.

Sa nakalipas na pitong araw, ang average number ng new cases sa Metro Manila ay 3,144, na 18 percent na mas mababa kumpara sa naunang linggo na 3,337 average cases.