-- Advertisements --

CEBU CITY – Iimbestigahan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia kung bakit nakalusot agad sa border checkpoint ang isang beauty queen at ang Spanish boyfriend nito upang mag-beach sa bayan ng Moalboal.

Maalalang hinuli ng mga otoridad ang naturang beauty queen na si Maria Gigante at ang kasintahan nitong si Javier Castro noong Mayo 10 matapos umanong naligo sa dalampasigan ng nasabing bayan.

Makikipag-ugnayan si Garcia sa Cebu Provincial Police Office upang malaman kung paano nakalusot sa checkpoint ang magkasintahan sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng lalawigan laban sa COVID-19.

Sinabi ng gobernadora na may nakalagay umanong seal ng House of Representatives at ng isang partylist ang sasakyang ginamit ng dalawa.

Batay sa isa sa mga executive orders ng lalawigan, pinayagang dumaan sa checkpoint ang isang congressman sa Cebu City at sa mga karatig nitong lugar.

Nagbabala si Garcia na mas mainam na sumunod na lang sa mga border control measures lalo na at umaakyat ang bilang ng mga nahawaan ng COVID-19.