KALIBO, Aklan — Simula sa susunod na linggo, may 200 pulis ang ikakalat sa paligid ng bayan ng Kalibo para tiyakin ang seguridad sa idaraos na opening salvo ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2026 sa Oktubre 8 hanggang 11, 2025.
Ayon kay P/Lt.Col. Jerick Vargas, hepe ng Kalibo Municipal Police Station, itatalaga ang nasa 160 na augmentation force mula sa pwersa ng lalawigan at iba pang force multipliers para tulungan ang kanilang pulisya sa pagbantay sa paligid at tiyaking walang makakapormang masamang elemento para mambiktima ng mga deboto at iba pang makikisaya sa okasyon.
Aniya, all set and ready na ang kanilang paghahanda at hinihintay na lamang ang mga naka-line-up na mga aktibidad na ipalalabas ng lokal na pamahalaan ng Kalibo para sa apat na araw na selebrasyon.
Inaasahang aabot sa 10,000 hanggang 15,000 ang lalahok sa selebrasyon, kung saan isa sa inaabangan ang performance ng sikat na Elias J TV Band.
Pina-finalize pa sa kasalukuyan ang mga rutang dadaanan ng mga kalahok na grupo at tribu para sa tradisyunal na street dancing.
Inaasahan ayon kay Vargas na ipatutupad pa rin ang dati nang guidelines para sa mga makikisayang festival goers at mga bisita gayundin sa mga participating tribes gaya ng pagbabawal sa pagbitbit ng debotelyang inumin sa festival area, pagdadala ng backpacks, tote bags maliban sa mga nanay na may kasamang sanggol at mga drummers na may dalang band instruments.
Bawal rin ang pagdadala ng mga patalim at pointed weapons, baril, pampasabog, paputok at iba pang items na nagdudulot ng panganib at pinsala sa tao.
Ang opening salvo ay maituturing na sneak peak sa gaganaping Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2026, binansagang “Mother of All Philippine Festival” sa Enero 12 hanggang 18, 2026.