-- Advertisements --

CAUAYAN CITY– Halos 300 baboy na ang isinailalim sa culling bunsod ng pagtama ng African Swine Fever ( ASF) sa 3 barangay sa Luna, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mayor Jaime Atayde na maaring nakapasok ang ASF sa kanilang bayan dahil sa mga biyahero na mula sa lalawigan ng Bulacan at iba pang lalawigan na posibleng naging carrier ng naturang sakit ng mga baboy.

Kabilang sa mga barangay sa bayan ng Luna na una ng nakapagtala ng ASF ang barangay Lalog Uno, Lalog dos at Harana.

Dahil dito ay isinailalim na sa culling ang mga baboy na nasa isang 1 kilometer radius mula sa nakapagtala ng naturang sakit.

Maliban sa mga nasabing barangay ay may iba pang barangay sa naturang bayan ang nakitaan ng sintomas ng ASF sa mga baboy.

Ayon kay Mayor Atayde, tinatayang walong barangay na sa kanilang bayan ang posibleng natamaan ng ASF at posibleng umabot pa sa 600 na mga baboy ang maisasailalim sa culling.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng lokal na pamahalaan ang resulta ng pagsusuri sa mga nakuhang blood samples sa ilang babuyan sa naturang bayan.

Sakaling positibo ito ay saka magsasagawa ng culling ang lokal na pamahalaan ng Luna sa mga nasabing babuyan.