Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na makakatanggap ng fuel subsidy ang mga mangingisda at magsasakang apektado ng unti-unting pagpapatupad ng malakihang umento sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo.
Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., naglaan ang ahensiya ng ₱150 million o tig-₱75 million na pondo para sa fuel subsidy ng mga mangingisda at magsasaka sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Sinabi naman ni Agriculture spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na ilalabas ang pondo sa oras na pumalo ang presyo sa US$80 kada bariles ng Dubai crude oil.
Posible naman aniya na hindi pa maramdaman sa ngayon ang epekto ng conflict sa Middle East sa presyo ng mga pataba at maaaring maramdaman ito sa huling quarter ng taon.
Nauna ng tiniyak ng opisyal na may sapat na suplay ng mga pataba sa bansa na tinatayang magtatagal pa hanggang sa katapusan ng 2025.