-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagpaskil na ng karatula ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na nagsasabing puno na ang COVID ward ng pagamutan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Jose Carlo Valencia, chairman ng Infection Control Committee ng CVMC na kailangan na nilang magpaskil ng karatula na puno na ang COVID ward ng pagamutan dahil bukod sa nasa 193 na ang kanilang admission sa kabila na 150 ang kanilang full capacity ay pagod na rin ang mga staff.

Aniya, dalawa na ang nasa isang room para lamang ma-accomodate ang mga pasyente at naglagay na rin sila ng tent sa labas para doon muna manatili ang mga naghihintay.

Sa ngayon ang mga severe cases na lamang ang kanilang tinatanggap at kapag magaling na sila at malapit ng matapos ang kanilang quarantine ay ipinapasa na sila sa LGU isolation facility para doon na nila tapusin ang kanilang quarantine period.

Ito ay para mabigyan naman ng pagkakataon ang mga naghihintay na maadmit sa pagamutan.

Aniya, bukod sa mga dumarating na pasyente sa CVMC ay mayroon din silang mga staff na inaadmit.

Muli naman niyang hiniling ang pakikipagtulungan ng publiko para mabawasan na ang paghihirap ng lahat lalo na ang mga pagamutan.