Pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang bagong ayos na TLC People’s Park sa Barangay West Rembo nitong Sabado ng gabi, bilang pahiwatig ng pormal na pagbubukas ng Yuletide Season para sa mga residente at bisita.
Layunin ng parke na maging maluwag at ligtas na pasyalan para sa mga pamilyang nais maglibang ngayong Kapaskuhan.
Pinangunahan ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang seremonya ng pagbubukas at pag-iilaw ng parke.
Binigyang-diin ni Mayor Lani ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pampublikong lugar kung saan maaaring magpahinga, magsaya, at magpalakas ng samahan ang mga pamilya.
Sinaksihan ng malaking crowd ang countdown sa pag-iilaw ng Christmas tree, isang flash mob finale, at ang pagbisita sa mga merchant booth na tampok ang lokal na produkto at mga pagkaing pamasko, habang tumutugtog ang Taguig March Band.
Ipinagmalaki rin ni Cayetano ang mga parol installation sa paligid ng parke, mga disenyong sumasalamin sa identidad ng Taguig bilang isang “Probinsyudad”—na binuo ng mga komunidad, manlilikha, at habi ng kasaysayan. Binalikan niya ang yaman ng lungsod sa industriyang paghahabi ng sawali, na minsang naging sentro sa lalawigan ng Rizal.
Bilang dagdag atraksyon, tampok din sa lugar ang TLC Food Park–EMBO, na nagbukas noong Oktubre. Naglilingkod ito bilang masiglang kainan na sumusuporta sa maliliit na negosyante at nag-aalok ng iba’t ibang pagkain mula sa food trucks—mula snacks hanggang mainit na pagkain at dessert.
Sa pagbubukas ng TLC People’s Park, tinatangkilik na ng komunidad ang isang bagong pook pamamasyalan na magbibigay ng saya at diwa ng Pasko sa Taguig.









