Binigyan ni United States President Donald Trump ng ultimatum ang Ukraine na hanggang Nobyembre 27 o Thanksgiving Day sa Amerika, para tanggapin ang kontrobersyal na 28-point peace plan.
Nilinaw ni Trump na hindi ito ang “final offer” o huling alok niya at inaasahan niyang matatapos na ang digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Binanggit naman ng mga pinuno mula sa Europa, Canada, at Japan ang kanilang pag-aalala kaugnay ng 28-point peace plan ng US na nagsasabing pagbabago ng teritoryo o hangganan, at limitasyon sa bilang ng sandatahang lakas ng Ukraine, kahit na ang nasabing plano ay mayroong mga elemento na “mahalaga para sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.”
Magpupulong ang mga opisyal ng seguridad mula sa Britain, France, Germany, US, at Ukraine sa Geneva, Switzerland nitong Linggo.
Sinabi naman ng mga opisyal ng US sa kanilang kaalyado sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) na inaasahan nilang sasang-ayon si President Volodymyr Zelenskyy ng Ukraine sa kasunduan sa mga darating na araw at may kaakibat na babala na haharapin ng Kyiv ang mas malalang sitwasyon kapag tumanggi ito.











