-- Advertisements --

Nanawagan si Cebu Archbishop Alberto Uy sa publiko na seryosong bigyang-halaga ang mental health, kasabay ng pag-amin na ang depresyon ay maaaring maranasan ng sinuman.

Ibinahagi niya ang mensaheng ito sa kanyang homily noong artes, Nobyembre 18, sa funeral mass para kay Fr. Decoroso “Cocoi” Olmilla sa Cebu Metropolitan Cathedral.

Ang biglaang pagpanaw ni Fr. Cocoi ay nagpakita na dumaan ito sa matinding hamon sa mental health na humantong sa di inaasahang pangyayari.

Binigyang-diin pa ni Archbishop Uy na kahit ang mga pari at lingkod ng simbahan ay hindi ligtas sa matinding dalamhati at kawalan ng pag-asa na isang realidad na makikita maging sa Banal na Kasulatan.

“It is a wake-up call for all of us to take care of one another seriously. Today, we are reminded that priests are also human. Sometimes we forget this. We expect priests to be strong, steady, joyful, and available at all times. But the priests carry the same human frailty as everyone,” saad ni Archbishop Uy.

Dahil dito, iginiit niyang seryosong dapat pagtuunan ng pansin ang mental health at hinikayat ang lahat na pairalin ang pag-unawa, tugunan nang maagap ang mga suliranin, at magpakita ng tunay na malasakit sa isa’t isa.

Hinimok niya ang mga mananampalataya na ipagdasal ang mga pari, at pinaalalahanan ang mga pari na palakasin ang kanilang samahan—magdamayan, magdasal para sa isa’t isa, at makinig nang bukas ang loob.

Dagdag-paalala pa ng arsobispo na higit ang pag-ibig at awa ng Diyos kaysa anumang kasalanan, kahinaan, o sandali ng depresyon.

“Learn to support one anotherc, to pray for one another, to listen to one another. The love and mercy of God are much bigger than our sins, our weaknesses, bigger than depression,” dagdag pa nito.