Ipinahayag ng beteranang showbiz columnist na si Cristy Fermin na siya’y nakapag piyansa na ngayong araw, Hulyo 31 sa korte para sa kasong libel na isinampa laban sa kanya ni Bea Alonzo, kasunod ng pagkaka-isyu ng warrant of arrest mula sa Quezon City RTC Branch 93.
Kasama ni Fermin na nakapag piyansa ngayong araw ang co-host sa online show na si Wendell Alvarez habang si Rommel Villamor ay nakatakda ring mag piyansa ngayong araw o bukas.
Itinakda ng Korte ang piyansa sa halagang P48,000 bawat isa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Fermin na wala silang natatanggap na opisyal na abiso mula sa korte. Gayunpaman, tiniyak niya na agad nilang inasikaso ang pagpi-piyansa ngayong araw.
‘Nabigla po kami dito, karaniwan po kasi…’pagka po kasi ang isang kaso ay dinidinig sa piskalya magkakaroon po ‘yan ng resolusyon, pero hindi po kami kasi nakatanggap ng resolusyon maging ang aming mga abugado wala rin pong natanggap,’ pahayag ni Fermin.
Sa isa pang panayam, inulit ni Fermin ang kanyang pasya na magpiyansa at sinabing bahagi na umano ng kanyang trabaho bilang columnist ang makasuhan ng libel.
Maaalalang isinampa ni Bea Alonzo ang reklamo noong Mayo 2024 dahil sa diumano’y maling, mapanira, at nakasisirang pahayag ni Fermin sa kanyang online show.