Binati ng veteranong entertainment columnist at host na si Cristy Fermin si Romnick Sarmenta dahil sa tapang nitong magbigay ng opinyon ukol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang episode ng kanyang programa, ibinida ni Fermin ang matapang na tanong ni Romnick kay Senate President Chiz Escudero sa pamamagitan ng kanyang social media post, na nagpapakita ng kanyang pananaw sa mga isyung politikal sa bansa.
Tinanong kasi ng aktor si Escudero kung nauunawaan ba aniya nito ang kanyang tungkulin sa Senado at ang mga nakasaad sa Konstitusyon ng Pilipinas.
‘Nagsisilbi ba siya para sa kapakanan ng tao? O sa mga pinipili niyang unahin at pagsilbihan? O iniisip ba niyang mas mataas siya sa sambayanan?’ ani Romnick sa kanyang post.
Ayon naman kay Cristy, pinapahalagahan niya ang pagiging bukas at tapat ni Romnick sa pagpapahayag ng kanyang saloobin, anuman ang mga opinyon ng iba.
Sinang-ayunan din ng kanyang co-host na si Romel Chika ang pagiging aktibo ng mga artista sa pagtulong sa pagpapalawak ng kamalayan ng mga tao tungkol sa mga isyu sa politika.
Nabatid na kilalang sumuporta si Romnick sa kandidatura ni dating Vice President Leni Robredo noong 2022, at patuloy na tumatayo para sa kanyang mga prinsipyo sa kabila ng kontrobersya.