-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Patuloy na pinaghahanap ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) Aklan at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Malay ang isang crew ng barge makaraang mahulog sa baybaying sakop ng isla ng Boracay.

Ayon kay Lieutenant Commander Marlo Acevedo ng PCG-Aklan, kinilala niya ang biktima na si Ronaldo Tolinero, 57, residente ng Barangay Dumatad, Tangalan, Aklan at crew ng LCM Divine Providence barge.

Batay sa kanilang paunang imbestigasyon, naglalayag umano ang nasabing barge papuntang sheltering area mula sa Tabon port nang mapansin ng kapitan na si Eddie Norico, 62, ng Sagay, Negros Occidental na wala na umano ang kaniyang crew.

Dahil dito, kaagad siyang humingi ng tulong upang mahanap ang biktima ngunit sa kasamaang palad dulot ng masamang panahon ay itinigil muna ng rescue team ang search and rescue operation para rin sa kanilang kaligtasan.

Ngayong araw aniya kung kumalma ang dagat ay ipagpapatuloy nila ang paghahanap sa biktima.